
-A TRAVEL MAGAZINE-
LeggoSaMetro

Kahirapan at Katarungan
by Denmar Madriaga on Sunday, September 25, 2011 at 5:40pm
Katarungan, wari mo’y isang mailap na tutubing hinahabol-habol mo sa isang makipot na pilapil, ito ang aking pagpapakahulugan. Sa bayang ating ginagalawan hindi malabong matabunan ng isang sakong alikabok ang isang pirasong papel na nagsasaad ng iyong hinaing o reklamo laban sa mapang-abusong sistema ng ating lipunan, higit lalo’t isa kang maralita.
Sa labing-walong taon kong pamumuhay bilang isang simpleng mamamayan at mag-aaral, lumalabo na ang aking mga mata sa iba’t-ibang eksena ng pagiging biktima ng kahirapan at maging ang tagpo ng pag-iwas ng salitang katarungan sa karamihan.
Sa magkabilang dulo ng lansangan batid ko ang kahirapan. Dama ko ang pagkulo ng sikmura ng mga batang palaboy at ang pangangatog ng mga matatandang buto’t balat dahil sa maginaw na gabi, sa ilalim ng bilog na buwan.
Naririnig ko ang iyak ng mga ina na humehele sa kanilang mga sanggol at walang laman ang tiyan. Paninindig sa aking mga balahibo ang pag-isip sa mga anghel na walang buong tahanan at may karamdaman.

Tumatakbo sa aking mga ugat ang awa sa mga amang napipilitang gumawa ng krimen para sa kakarampot na kitang, buhay at kalayaan ang kapalit.
At umagos ang luha sa aking mga mata nang ipilit kong iabot ang aking kamay sa kanila pero wala itong nagawa.
Sino nga ba ang tunay na biktima? Sino ang biktima ng pinagsanib na pwersa nang kahirapan at katarungan sa depektibong sirkulasyon ng ating lipunan? Ang lipunan na ating ginagalawan? O tayo sa lipunang ating pinagagalaw?
Nakakatuwang isipin na sa kabila ng kayamanan ng ating bayan, bakit marami tayo? Bakit maraming mahirap? At nasaan ang sinasabi nilang hustisya para sa mga biktima nito?
Hindi man ganun’ kapalad ang kalagayan ng aking pamilya, malaki pa rin ang aking pasasalamat para sa sapat na pagkain at pagtungtong ng aking mga paa sa silid-aralan. Hindi ko alam ang maaari kong paglagyan balang araw. Hindi ko alam kung magagampanan ko ang aking mga plano para sa aking kinabukasan at ang pagtupad para sa pagbabago na hindi lang ako ang naghihintay.
Sa bayang mailap ang salitang hustisya. Kailan ba ito makakamtan?
Ang mga sanggol na walang buong tahanan at ang mga batang palaboy na dapat nasa eskwelahan. Nasaan ang katarungan? Ang mga ina na may kamay na mapag-aruga at pusong mapagmahal, bakit walang tahanang iniilawan? Nasaan ang katarungan? Ang mga haligi ng tahanang sumusuporta sa ating pangangailangan at poprotekta sa atin, bakit nasa loob ng piitan? Nasaan ang katarungan? Sila lolo’t lola na dapat nilalaro ang kanilang mga apo, bakit nakabilad sa lansangan at naglalako? Nasaan ang katarungan? Ang lahat ba ng ito ay bunga ng kahirapan, o ito ang ating kapalaran? Napakaraming katanungan na walang kasagutan. May mga sumubok labanan ngunit bigo at umuwing luhaan.
Kahirapan at katarungan tila kambal na salitang kahit medical na operasyon ay hindi mabibigyang kasagutan, hindi mapaghihiwalay. Sa mga nagtataasang gusali ng ating bayan nakakubli sa madilim nitong anino ang mga matang namumuti sa gutom.
At sa mabilis na paglobo ng ating populasyon, usad pagong ang hustisya para sa mga biktima ng karahasan na para bang’ hinihintay ang bagong henerasyon ng mga walang salang mabubulok sa loob ng bilangguan.
Sa bayan ni Juan, walang pakundangan kong sasabihing pera ang namumuno sa ating lahat. Karangyaan ang ating pagkakakilanlan. Ang hustisya na para sa lahat ay ibinibigay sa iilan. “At ikaw bilang mahirap, manatili ka sa iyong kinalulugaran!”

© 2012 by Bien Justine Cruz